MANILA – Itinalagang Provincial Chairman ng Aksyon Demokratiko si Vice Governor Felix “Dong-dong” Ylagan ni Manila Mayor Isko Moreno matapos itong manumpa bilang bagong miyembro ng nasabing partido nitong Huwebes, Setyembre 23, 2021 na ginanap sa Manila City Hall.
Kasama ni Vice Governor Ylagan ang iba pang mga bagong miyembro na nanumpa sa partido ni Mayor Isko ay sina Marinduque Vice Gov. Romulo A. Bacorro Jr.; Quezon Province Vice Gov. Sam Nantes; Marinduque Board Member John R. Pelaez; Laguna Board Member Rai Ann San Luis; Marinduque Board Member Gilbert L. Daquioag; Zambales Board Member Keith Doble; Santa Maria, Laguna Mayor Ma. Rocelle Carolino; Santa Cruz, Laguna Mayor Edgar San Luis; at Concepcion Tarlac Vice Mayor Joey Baluyut.
Pinasalamatan ni Vice Governor Ylagan si Mayor Moreno na makasama ito sa nasabing partido.
Aniya, isang magandang inspirasyon si Mayor Isko bilang isang lider kung saan ay naipakita nito ang maayos na pagresponde sa panahon ng pandemya, katulad ng pamamahagi ng mga gamot na libre laban sa COVID-19 at pagbibigay ng malawakang pagbakuna sa kanyang mga nasasakupan.
Dagdag pa ng bise gobernador ng Romblon, marami umano ang humanga sa ipinamalas na “Political Will” ng alkalde ng Maynila sa paglilinis nito sa kanyang nasasakupang lunsod partikular sa Divisoria na dinadayo ng mga mamimili dahil sa mga murang bilihin na ngayon ay maalwan na ang kalsada. Namentina rin nito ang katahimikan sa lunsod at nakapagpatayo ng mga pabahay para sa mga mahihirap na residente ng naturang siyudad.
Inaasahan na pagkatapos ng panunumpa ni Vice Governor Ylagan sa Partido ng Aksyon Demokratiko ay magsisimula na rin ang pangangalap ng mga miyembro ng oposisyon sa lalawigan ng Romblon.
Sa ginanap na oathtaking ceremony sa Manila City Hall ay naging bahagi rin sina Liliw, Laguna Vice-Mayor Nhon Montesines; Nagcarlan, Laguna Vice Mayor Rexlon Arevalo; Magdalena, Laguna Vice Mayor Pedro Bucal; Pakil Laguna Vice Mayor Charles Vipops Martinez; Mabitac, Laguna Vice Mayor Angelito Valderrama, Sr.; Majayjay, Laguna Vice Mayor Juan Ariel Argañosa, Jr.; San Jose, Batangas Vice Mayor Noel Virtusio; Oas, Albay Vice Mayor Reene Riofrio Raro; Angat, Bulacan Vice Mayor Reynante Bautista; Malabon City Councilor Jasper Kevin Cruz; at Malabon City Councilor John Anthony Parial Garcia.








