SAN FERNANDO, Romblon – Agad na nasawi ang isang lalaking motorista matapos na madulas ang sinasakyang motorsiklo dakong 8:50 ng gabi ng Setyembre 11, 2021 sa Natioanal Road na sakop ng Barangay Otod, San Fernando, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Aljonel Rapal Ramo, 29 taong gulang, binata, karpentero at nakatira sa Barangay Cambajao, Cajidiocan, Romblon.
Ayon sa nakalap na ulat ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS) minamaneho umano ng biktima ang kanyang motorsiklong Zhong Shen na kulay pula na walang plaka sa national road na sakop ng Barangay Otod, San Fernando, Romblon pauwi sa kanilang bahay sa Barangay Cambajao, Cajidiocan, Romblon at noong napadaan ito sa bahaging madulas na kalsada ay nawalan ito ng kontrol sa sinasakyang motorsiklo at aksidente itong tumilapon at tumama ang ulo sa kongkretong kalsada na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Agad naman ipinaalam sa mga kamag-anak ng biktima ang nasabing pangyayari at isinakay ng pulisya ang bangkay ng biktima at dinala sa kanilang bahay sa bayan ng Cajidiocan.








