ODIONGAN, Romblon (PIA) — Tuloy-tuloy parin ang ginagawang panghihikayat ng gobyerno sa publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Noong October 11, inilunsad sa rehiyon ng Mimaropa ang programa ng Department of Health (DOH) na “Resbakuna Bakunado Panalo” kung saan ang mga bakunado laban sa virus ay may tiyansang manalo ng hanggang P1 million cash.
Sa isang press conference na inorganisa ng Philippine Information Agency Mimaropa, sinabi ni Erica Figueroa, Information Officer II ng DOH Center for Health Development Mimaropa, na ang mga bakunadong edad 18 pataas ay puwedeng sumali sa promo.
Isang daang kalahok ang pwedeng manalo sa monthly draw na magsisimula ngayong Oktubre hanggang Nobyembre ng aabot sa P5,000 kada winner, at P100,000 hanggang P1,000,000 cash naman ang pwedeng mapanalunan sa grand draw sa katapusan ng taon.
Para sumali, mag text lamang ng RESBAKUNAREG NAME/AGE/ADDRESS, at i-send sa 8933.

Ang sunod na gagawin ay kailangang i-text kung anong bakuna ang natanggap, mag text ng: RESBAKUNA 1st letter ng vaccine brand/pang-ilang dose/LGU/petsa ng bakuna at i-send ulit sa 8933.

Ayon kay Figueroa, ang 1st dose ay katumbas ng One (1) raffle entry pero kung kayo ay senior citizen makakatanggap kayo ng Two (2) raffle entry. Two (2) raffle entry naman kapag 2nd dose pero kung senior citizen, ikaw ay makakatanggap ng Four (4) raffle entry.
Para naman sa bakunado ng single dose vaccines katulad ng J&J, sila ay makakatanggap ng Three (3) raffle entry pero kung senior citizen, Six (6) raffle entry ang kanilang matatanggap.
Paalala ni Figueroa, ang isang cellphone number ay maari lamang gamitin para magrehistro ng isang bakunado.
Sa huling tala ng DOH Center for Health Development Mimaropa, may aabot na sa 391,786 katao sa Mimaropa ang nakatanggap na ng kanilang second dose ng bakuna laban sa virus. (PJF/PIA Mimaropa)








